Archive for March, 2009

Tatlong Palaka, Tatlong Paniniwala, Sino sa Kanila ang Tama?

Saturday, March 21st, 2009

Ni MC Canlas

Para sa kapakanan ng hindi pa nakarinig o nakapanood ng chalk-talk ng “Tatlong Palaka sa Balon,” o dili kaya sa mga nakalimot na sa kwento at tagisan ng pananaw, nais kong maibahagi dito sa cyberspace, lalung-lalo na sa mga kalambat sa Akademia. 

Imaginin ninyo na lamang. Visualize me giving a chalk-talk circa 1980. (Bagamat ang hamon ni Kalambat Girlie ay ma-transform ito sa youtube, maaring animated o actual presentation!)

Ang sumusunod ay isang kwento ng tatlong palaka sa balon, na may tatlong paniniwala, at para sa inyong lahat, narito ang mahalagang katanungan: sino sa kanilang tatlo ang tama, sino ang mali, kailan sila tama, kailan sila mali? 

Sa aming baryo, may isang lumang balon. At sa kailaliman at pinakababa ng balon ay may tatlong palaka. Tawagin natin silang palaka Ah, palaka Ba, at palaka Ka. Dito na naging palaka ang butete. Dito na sila namalagi simula’t simula pa. 

Walang kamalayan ang tatlong palaka sa kapaligiran sa labas ng balon. Ang tanging alam nila; kung minsan ay may liwanag, maliwanag na maliwanag, kung minsan ay madilim, madilim na madilim. Lumiliwanag, dumidilim sa kailaliman ng balon.

Isang araw, one day, alam natin ito dahil tayo ay tao at ang liwanag ay dulot ng araw o sun, tuminghala ang tatlong palaka at tinanaw ang bunganga ng balon. Nagwika ang isa sa tatlong palaka. Wika ni palaka Ah: “Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon.” Narinig ng dalawa ang winika ni palaka Ah, pero wala silang imik at masabing kakaiba. 

Ilang sandali ang nagdaan, lumundag at sumampa sa kaliwang batuhan ng balon si palaka Ba, tuminghala siya at nagwika: “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting (ulap) bagay sa itaas.” Narinig ni palaka Ah at palaka Ka na parehong nasa dating kinalalagyan sa kailaliman ng balon ang winika ni palaka Ba. 

Ilang sandali pa, si palaka Ka naman ang lumundag at sumampa sa kanan ng batuhan ng balon. Tuminghala siya at tinanaw ang bunganga ng balon. Heto naman ang kanyang nakita at nagwika: “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap) at may dilaw (araw) na bagay sa itaas.” 

Kung balikan muli ang winika ng tatlong palaka sa balon, mapapansin ang pagkakaiba ng kanilang winika:

Sabi ni Palaka Ah, “Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon.” 
Sabi naman ni palaka Ba, “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap).” Sabi naman ni palaka Ka, “Higit na malaki ang langit sa bunganga ng balon at may puting bagay (ulap) at may dilaw na bagay (araw).”

Sa actual na chalk-talk, sa yugtong ito, itinitigil ko muna ang pagkukwento, para may suspense, at ibabato ko ang katanungan sa mga nakikinig: Tatlong palaka, tatlong winika, tatlong paniniwala, sino kaya sa kanila ang nagsasabi ng mali, sino sa kanila ang nagsasabi ng tama? Ano sa tingin ninyo? Pakinggan nga natin. 

Madalas nagiging animated at masigla ang grupong mag-aaral; nagpapalitan at nagtatagisan ng kanilang mga pananaw sa kwento. Madalas din may matatanggap ako sagot na magkaka-iba. Ni minsan, sa karanasan ko sa maraming taon at sa maraming workshop na ginanap sa iba’t ibang panig ng bansa, hindi pa ako nakakuha ng unanimous o iisang sagot sa nasabing katanungan. 

May magbibigay na sagot:“Lahat sila ay mali.” Lahat sila ay tama.” “ Walang tama sa kanila.” “Walang mali sa kanila,” “Kumporme,” “tama si palaka Ba at palaka Ka,” “mali si palaka Ah,” “kaniya-kaniya ang tama,” “relative ang tama,” at “ang mali ay relative.” 

Kung minsan dinadaan ko sa botohan para makuha ang consensus na sagot. Para mabigyan diin ko ang puntong dapat ipaabot (Must teach and learn sa M-U-N-I), babalikan ko ang kwento at kung kailan ito winika. 

Tama ba si palaka Ah nuong una siyang nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo (Yes).Tama ba si palaka Ba nuong siya ay nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo. (Yes). Tama ba si palaka Ka nuong siya ay nagwika? Usually, ang sagot ng grupo ay Oo. (Yes). Pagkatapos kong isa-isahin ang tatlong katunungan, magbibigay ako ng aking konklusion at sasabihin ko: “Samakatuwid dahil Oo (Yes) ang sagot ninyo sa tatlong tanong, lahat sila ay TAMA! Tama ba? 

Muli, makakarinig ako ng buzz, makakakita akong nagkukunot ng ulo, tipong may di pagsang-ayon sa hanay ng mga kalahok sa pag-aral. Para bang hindi sila mapakali sa konklusyon ko, pero hindi nila sukat maipaliwanag kung paano. Kaya’t babalikan ko ang kwento at gagawa ako ng logical statement. At heto ang aking sasabihin: 

Kung LAHAT sila (ang tatlong palaka) ay TAMA. Ibig sabihin WALANG MALI sa kanilang tatlo. (Sa unang statement, madalas sasang-ayon ang lahat na mag-aaral.)

Pagkatapos babalikan ko uli ang tatlong winika ng tatlong palaka. Isa-isahin uli. Tama ba si Ah? Tama ba si Ba? Tama ba si Ka? May pagkakaiba di ba? Tama bang sabihin na hindi pupwedeng LAHAT sila ay TAMA. (Madalas sasang-ayon ang buong grupo sa pinupuntahan kong logical statement). 

Isusunod ko kaagad ang isa pang logical statement: Kung hindi lahat ay TAMA, ibig sabihin mayroon sa kanilang tatlo ang nagsasabi ng MALI. Kung may TAMA, May MALI. Okey ba ang statement na ito? (Muli, sasang-ayon ang ang marami, tahimik lang iba). 

Muli, babalikan natin ang tatlong winika ng palaka, ang tanong ko sa mga kalahok. Sino sa tatlong palaka ang TAMA?; Sino sa tatlong palaka ang MALI?

Madalas ganito ang lalabas na sagot ng maraming kalahok: Nuong nasa ibaba ang tatlo, at nagwika si palaka Ah, (“Hindi na lalaki pa ang langit sa bunganga ng balon!”) TAMA si palaka Ah. Pero nuong nagwika na sina palaka Ba at palaka Ka mula sa kanilang kinalalagyan, ang winika ni palaka Ah ay hindi na naayon kanilang nakita. Sa punto de bista nina Ba at Ka, hindi na TAMA at MALI na ang winika ni Ah. 

Sa yugto ito ng chalk talk, mararamdaman kong kumbinsido ang grupo ng kalahok sa pag-aaral. At isusunod ko ang isa na namang katanungan: Kung sang-ayon kayo na tama si Ba at Ka, at mali si Ah, papaano nangyari ito? Muli, ibabato ko ang katanungan. 

At ang lalabas na sagot ay “kasi lumundag at sumampang paakyat sila sa batuhan ng balon at tuminghala mula sa bagong kinalulugalan.” Ang dalawa ay may dagdag at kakaibang karanasan. Ano ang mapupulot na lesson dito? Ang kaalaman ay nanggagaling sa karanasan. Ano ang karanasan ni Ba at Ka na hindi naging karanasan ni Ah; ang lumundag at sumampang paakyat mula sa kailaliman ng balon. Samakatuwid, ang kaalaman ay nakabatay sa karanasan at kinalalagyan (position), gayun din ang kanilang pananaw. 

Kaunting pause para namnamin ang mga kalahok ang bagong kaalaman o kung saan nabubuo at nagmumula ang kaalaman.Pagkatapos, isusunod ko uli ang nahintong pagkukwento sa tatlong palaka sa balon. 

Naisasaisip ni palaka Ba; “Kung pareho kaming tama ni Palaka Ka, pareho naming nakita na higit na malaki ang langit kaysa sa bunganga ng balon, bakit hindi pareho ang aming nakita? Bagamat pareho kaming nakakita ng puting bagay (ulap), bakit may nakita pa siyang dilaw na bagay? Ano kaya at pupuntahan ko ang kinalalagyan ni palaka Ka?” 

At iyon nga ginawa ni palaka Ba. Tumalon pababa at sumampang paakyat sa kabila ng balon si palaka Ba hanggang sa marating niya ang kinalalagyan (position) ni palaka Ka. Nagsimula siya nuong umaga, lumipas ang tanghaling-tapat, at hapon ng makarating sa tabi ni palaka Ka. Pagtinghala niya at pataas na tinanaw ang bunganga ng balon at kalangitan, nabigla siya at nagwika “Wala naman palang dilaw na bagay!” (Sa ating mga tao, ang araw ay sumisikat sa silangan sa umaga, palubog sa kanluran sa dapithapon.)

Bakit nagkaganoon? Hindi ba nagsasabi ng tama si palaka Ka ng winika niyang may dilaw na bagay siyang nakita? Papaano ito ipapaliwanag? Muli, ibabato ko ang katanungan sa mga mag-aaral. Pagkatapos ng talakayan at tagisan ng kuru-kuro, ang kalalabasan o koklusyon, hindi lamang ang karanasan at kinalalagyan (position) ng mga palaka ang nagbabago, nagbabago rin ang mga bagay-bagay sa kapaligiran, at ang mismong kapaligiran. Iba ang sitwasyon nuong umaga, iba ang sitwasyon nuong hapon. Ito ang tinatawag na konteksto ng kaalaman, kasi sinasama ang sangkap ng panahon at takdang kalagayan. 

Pagkatapos nito magbibigay ng summary sa natutuhan mula sa kwento at tagisan ng pananaw ng tatlong palaka sa balon. Ang susunod na bahagi ay hahatiiin ang klase sa small discussion groups. May guide questions na ibibigay sa bawat grupo. Kung hahalawin sa tunay na buhay ang kwento ng tatlong palaka sa balon, ang malalim na balon ay masasabing nagbibigay kitid at saklaw ng pananaw. Anu-ano ang mga balon ng mga tao sa tunay na buhay? Ipaliwanag ito. 

Isusunod pagkatapos ang plenary o ang pagbibigay ulat sa ang bawat grupo sa narating ng talakayan sa buong klase. Gawa ako ng summary. 

Ang susunod na activity ay maaring gawin sa maliit na grupo o sa buong klase. Kung ikaw (kayo) si Palaka Ba, papaano mo makukumbinsi si Palaka Ah na ang kanyang winika (paniniwala) ay hindi umaayon sa katotohanan? Maari itong talakayin o gawing dula-dulahan o role playing. Pagkatapos i-uulat o ipapalabas sa klase. Ang kadalasan tugon ng mga mag-aaral ay kinakailangan bumaba si palaka Ba sa antas na kilalagyan ni palaka Ah, at hihimukin siyang umakyat at sumampang paitaas para makita niya ang kanyang nakita. 

Ang panghuling activity at pagtatapos ng talakayan, sa tunay na buhay, saan magagamit na patnubay o giya ang turo sa kwento ng tatlong palaka. Madalas ang sagot ay sa pagtuturo (education), community organizing, pamamahala ng kampanya, paglulunsad ng kilusan at marami pang iba. 

Kwento ng tatlong palaka ay maaring ibigay sa tatlumpung minuto, tatlong oras o maghapon. Katulad ng paggamit ng iba maaring humaba at magsanga-sanga ang kwento. Eh kung nakalabas silang tatlo sa balon, mag-iba-iba pa ba ang kanilang pananaw o magiging iisa na lamang?

Nuong minsan binigyan ko ang mga drayber ng grupong Piston ni Ka Leto Villar, ang pahabol ni Ka Leto “MC, sa palagay ko dapat apat ang palaka sa balon hindi lamang tatlo. Alam mo ba kung bakit? Kasi yung pang-apat ay ni minsan ay nagsalita, hindi siya tuminghala, hindi siya lumundag at umakyat sa balon, hindi man mawari ng tatlong palaka kung naririnig at nakikiramdam sa usap-usapan at tagisan ng pananaw, at walang makapagsasabi kung ano ang kanyang niloob. Iyan ang hamon ko sa iyo, Ka MC. Papaano na ang palaka Da?” 

Abangan ang susunod na kabanata na pinamagatang “Ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng tatlong palaka na nakalabas sa balon, napapad sa gobyerno, sa NGO at sa Amerika!”

Ang Kwento ng “Kwento ng Tatlong Palaka sa Balon”

Saturday, March 21st, 2009

Ni MC Canlas

Marahil napansin ninyo na ang tatak ng aking bakas-bukas blog at ganoon din ang Akademia Lambat-Kalat group ng Facebook ay isang palakang galak na galak nakalabas sa balon. Sinasadya ito.

Ang “palaka sa balon” ay naiuugnay sa akin at sa aking gawaing edukasyon nuong ako ay nasa Pilipinas pa, bagamat hindi ako ang orihinal ng kwentong ito. Ang aking ambag ay ang “Tatlong Palaka sa Balon” at kung papaano ito ginagamit sa pagtuturo/pag-aaral (principle of teaching and pedagogy) at sa community organizing.

Ang orihinal na kwento ng “palaka sa balon” ay maaring nanggaling sa Tsina, bagamat nuong 1995 nuong nag-handle ako ng isang workshop sa “Understanding Global Situation” ng World Alliance of YMCA sa Thailand, ilang participants mula sa Korea, Taiwan, Malaysia at Hapon ang lumapit sa akin at nagsabing may similar o katulad na kwento ng “palaka sa balon” sa kanilang bayan.

Sa Pilipinas nabanggit ito sa libro ni Amado Guerero “Philippine Society and Revolution” bilang panimula sa isang kabanata: “In approaching a problem a Marxist should see the whole as well as the parts. A frog in a well says, ‘the sky is no bigger than the mouth of the well.’ That is untrue, for the sky is not just the size of the mouth of the well. If it said, ‘a part of the sky is the size of a well,’ that would be true for it tallies with the facts.”

Sa pagbabasa ko ng mga libro ni Mao Ze Dong, laluna sa pag-aaral sa kanyang sinulat na “On Practice” at “On Contradiction” ginagamit niya itong halimbawa o metaphor sa pagpapalawig sa konsepto ng pag-unawa sa heneral at partikular na aspeto ng mga bagay. Tinutukoy nito ang makitid at sinasakupang saklaw ng isang pananaw.

Una kong nabasa ang “palaka sa balon” sa outline ng School of National Democracy ng Samahang Demokratikong Kabataan (SDK) nuong 1971. Nasa third year high school ako nuon sa San Fernando, Pampanga, at ang SDK headquarter sa tabi ng eskwela namin- Jose Abad Santos High School (ngayon ay Pampanga High School) – ay naging sentro ng operasyon ng mga aktibista sa Central Luzon.

Nahirang ako bilang Education officer ng SDK kaya’t sa akin na-entrega ang mga mahahalagang babasahin kasama na ang outline sa teach-ins, PSR at Struggle for National Democracy ni Amado Guerrero( Jose Maria Sison), mga pamphlets ni Renato Constantino, Red Book, The Enemy ni Felix Greene, Imperialism ni Victor Perlo at marami pang iba.

Ginagamit namin nuon ang “palaka sa balon” bilang metaphor sa pagmumulat, katulad sa paggamit sa kwentong “The Foolish Old Man Who Carried the Mountain” sa Red Book sa pagpupunyagi ng paninindigan at komitment ng sarili sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Sa panahon ng Martial Law, nalusaw ang mga progresibong samahan tulad ng Kabataang Makabayan at SDK , at naging kilusang lihim ang pakikibaka, naisantabi din ang gawaing malaya at progresibong edukasyon.

Sumulpot muli ang “palaka sa balon” nuong 1976-77 sa gawaing “Room-to-Room” (RTR) para sa pagpukaw at paghikayat sa mga estudyante sa pagsali sa mga ginagawang mobilisasyon sa Mayo Uno sa Luneta, Human Rights rali sa San Marcelino, at pagkilos laban sa pagtaas ng tuition fee sa UP. Ang metaphor na ginamit ko ay pagsisigaw ng palaka sa balon pero hindi pa naririnig ng mga palakang nasa labas. Ang kilos-protestang isinasagawa ay hinahalintulad ko sa pagsigaw ng mga palaka para magising ang ibang palaka sa kani-kanilang balon.

Ginamit ko rin ang “palaka sa balon” sa malaking boykot laban sa dekana ng UP College Baguio nuong 1978. Isa na akong junior faculty ng UP nuon. Para ma-sustain ang maghapong boykot sa sunud-sunod na araw, ginamit ko ang “palaka sa balon” bilang isang kwentong bayan tulad ng komiks naging serialized o itutuloy at inaabangan ng mga kasama sa boykot. Sa halip na chalk at board, gumawa ako ng props para sa kwento ng “palaka sa balon.” Marami sa mga nakarinig ay tuwang-tuwang at hanga-hanga sa pagbibigay ko ng kulay, buhay at sigla sa rali at boykot sa kampus.

Kung papaano ang isang palaka ay naging tatlo ay udyok sa pagtuligsa sa Education Act of 1980 at sa paghahanda sa pagkontra sa binabalak na pagpapalaganap ng World Bank funded na textbook ng gobyerno. Naganap ito sa Education Forum (EF) workshop ng mga titser mula sa iba’t ibang Catholic schools.

Ang malaking hamon ng mga resource persons nuon, kabilang sina Dr. Jaime Veneracion, Dr. Dante Simbulan, at Dr. Nicanor Tiongson na inimbita ni Sr. Sol Perpinan ng IBON para sa Teaching History Workshop sa St. Joseph College sa Quezon City, ay kung papaano maituturo ang structural analysis at wholistic approach sa pag-aaral ng history.Nahirang akong maging isa sa mga resource persons sa halip na participants sa nasabing workshop. Pagkatapos ng workshop binuno namin ni Jimmy V. ang paggamit ng mga metaphors sa pagtuturo ng “wholistic approach” sa pag-aaral ng kasaysayan.

At sa pinablis ng IBON na Teacher’s Manual on Philippine History (1981), heto ang naisulat ni Jimmy: “…A frog inside a well. Looking at the sky, the frog imagined it to be as big as the opening of the of the well. Until one night, the frog heard sounds which would not have come from the sky and it decided to jump outside the well, only to learn that what he knew before was no longer valid. In our story, the truth of the frog’s interpretation or reality hinges on the size of the opening of the well. However, we who are outside the well and who have a set of different givens could easily see that the frog’s perception or reality is limited.”

Iniwan ko ang teaching job sa UP College Baguio, nahikayat ako ni Sr. Sol na mag-full-time sa IBON. Naging responsibilidad ko sa IBON ang pag-popularisa sa mga ”facts and figures,” socio-economic concepts and principles at analysis ng “current events” o nat-sit na pang-legal sa iba’t ibang sektor sa lipunan at hindi na lamang mga titser at madre sa Catholic schools.

Madalas ang IBON workshop ay tumatagal ng tatlo hangang limang araw kaya’t sari-sari dapat ang pamamaraan o diskarte ng pag-aaral, mayroong group activity tulad ng ADIDAS (activity-discussion-input-discussion-synthesis), action songs, lecture-presentation at chalk-talk.

Kadalasan sa first day, pumapangalawang session ang chalk-talk ng kwento ng palaka (pagkatapos ng life-line activity). Sa chalk-talk madali at mahusay na naikukwento tagisan ng pananaw ng tatlong palaka. Interactive ang chalk-talk, ibig sabihin aktibong kasangkot sa tagisan ng pananaw ang bawat participants.

Maraming bentahe ang chalk-talk ng kwento ng tatlong palaka sa balon. Naging malaganap ang paggamit nito sa iba’t ibang sektor lalu na ng mabuo ang PEPE (Popular Education for People’s Empowerment). Sa libro ni Robert Francis Garcia “Of Maps and Leapfrogs: Popular Education and Other Disruptions” (1999) naisulat niya na “The Three Frogs is a favorite among popular educators. An “interactive tale,”it provokes listeners to think through their beliefs and challenges their perceptions.” Dagdag pa niya, ““MC Canlas coined the phrase “popular education on peoples’ empowerment” and developed Three Frogs as a pedagogical tool.”

Halos mag-tatatlumpung taon na ang “ kwento ng tatlong palaka” o apat na pung taon mula ng nabasa ko ang “palaka sa balon,” matibay pa rin ang paggamit ko sa aral (learning values) ng kwento. Nakalabas ako ng bansa pero namimirhan sa loob ng komunidad ng mga Pilipino. Katulad sa palakang nakalundag sa labas, lumawak lalu ang aking pananaw, nagka-edad, nagbago ang realidad pero magpahangga ngayon nasa puso, diwa at loobin ko pa rin ang mga palaka nasa balon. Lumalawak din pala ang bunganga at lumalalim din ang balon, nasa loob din ako nito, at sadyang malayo rin ang kalangitan. Pero alam ng mga palaka na ang dilim at liwanag ay naayon sa sinag ng araw na nagmumula sa silangan. Isang talinghaga.